01 October 2025 | News by PISD

Lungsod ng Iloilo – Muling kinilala ang Punta Ilag Fish Sanctuary bilang isa sa mga epektibong Marine Protected Area (MPA) sa lalawigan na mahusay na napangangasiwaan at nagkamit ng Best in Enforcement Award sa Para El Mar Awards 2025 na ginanap sa Zuri Hotel sa lalawigan ng Iloilo.
Dito makikita ang mga natatanging yamang-dagat gaya ng schooling Chevron Barracuda, sea turtles, dolphins, rays at iba’t ibang uri ng reef fishes. Mayroon din itong turtle nesting beach at underwater hotspring na patuloy na pinoprotektahan ng lokal na pamahalaan at ng komunidad.
Isang mahalagang aspeto ng tagumpay sa pangangalaga ng sanctuary ang aktibong partisipasyon ng Bantay Dagat na kung saan 60% o 9 sa 15 ng miyembro ay mga kababaihan. Sila ay nagsisilbing bantay at katuwang sa pagpapatrolya, coral monitoring at pagpapanatili ng kaayusan sa sanctuary.
Sa ilalim ng kanilang pangangalaga, naitala ang 380% pagtaas sa hard coral cover mula 2016 hanggang 2023, gayundin ang pagdami ng mga isdang nahuhuli para sa kabuhayan ng mga taga-rito.
Dahil dito, naparangalan ang Punta Ilag Fish Sanctuary ng iba’t ibang local at national awards, kabilang na ang “Best Managed MPA†noong nakaraang 2024 at pagkilala na isa sa mga “Best Performing Bantay Dagat Teams†noong 2018.
: MSN- MPA Support Network, Malampaya Foundation Inc. and PAgO – Oriental Mindoro
