LIBRENG PAGGAMIT NG SECTORAL COMPLEX, HATID AY GINHAWA SA MGA MAMAMAYAN

01 October 2025 | News by PISD

Patuloy na nakikinabang sa libreng paggamit ng Sectoral Complex ang iba’t ibang grupo ng mamamayan sa Oriental Mindoro, isang proyektong laan ni Gov. Dolor para sa mga sektor ng lalawigan.

Layunin ng proyekto na magbigay ng libre at kumportableng lugar na maaaring matuluyan ang mga mamamayan na may mga transaksyon sa Lungsod at walang maaaring pansamatalang matigilan.

Pinakahuli sa mga nakinabang dito ay ang mga Parent-Leaders mula sa mga bayan ng Pola, Bulalacao, at Gloria. Kabilang dito sina Aileen M. Perez at Emmerose V. Nietes ng Pola; Lilia D. Pagobo ng Bulalacao; at sina Romel O. Flores at Christian N. Esteba ng Gloria. Sa kanilang pananatili, pinuri nila ang kaginhawaan at seguridad na ibinibigay ng pasilidad.

Ayon sa kanila, malaking tulong at tipid para sa kanila ang Sectoral Building, lalo na para sa mga kagaya nila na kailangang magtungo sa Lungsod ng Calapan upang dumalo sa mga pagsasanay, konsultasyon, o pagpupulong.

Ang pasilidad ay magkatuwang na pinangangasiwaan ng mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), na pinamumunuan ni PSWD Officer Zarah C. Magboo at ng ibang pang mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan, upang matiyak ang maayos at ligtas na pananatili ng mga pansamantalang nanunuluyan dito.

Ang tanging pakiusap sa mga indibidwal o mga grupong mapahihintulutang gumamit ng pasilidad, ingatan sana ito at gamitin nang maayos upang mas marami pang mga nangangailangang mamamayan ang makinabang dito.

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid02SAuTnPfyovi68TdfAJMjkj3jQ5FAekcFkE81oXMGZthuduhuUJ2MUBHBHzZzvjeDl?rdid=7Ta9LVamPniL3Br3#