27 September 2025 | News by PISD

Mahigit 2500 pamilya mula sa bayan ng Bansud at Roxas ang nakatanggap ng relief goods mula sa Pamahalaang Panlalawigan bilang tulong at agapay matapos lubhang maapektuhan ng pananalasa ng bagyong Opong, noong ika-26 ng Setyembre.
Pinangunahan ang gawain ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor, kasama ang mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni PSWDO Officer Zarah C. Magboo, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pinamumunuan ni PDRRM Officer Vinscent Gahol at mga kapulisan sa lalawigan sa pangunguna ni PNP Oriental Mindoro PCOL Edison V. Revita.
Bilang unang bahagi ng maagap na pag-agapay sa mga nasalanta ng nagdaang kalamidad, layunin ng inisyatibang ito na agarang bigyang-tulong ang mga mamamayan sa ikalawang distrito ng lalawigan matapos maging sentro ng pinsala ng nagdaang bagyo.
Partikular na hinandugan ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga pamilya mula sa tatlong barangay sa Bansud: Brgy. Proper Tiguisan na may 506 benepisyaryo, Brgy. Salcedo na may 1190 benepisyaryo, at Brgy. Sumagui na may 687 benepisyaryo. Gayundin may 176 pamilya naman mula sa bayan ng Roxas ang naabutan ng tulong.
Sa mensahe ng Gobernador, kaniyang ipinakita ang malasakit sa mga mamamayan at hinikayat nya ang bawat isa na patuloy pa ring magpasalamat sa Panginoon sapagkat sa kabila ng pinsalang naiwan ng bagyo, nanatiling ligtas ang bawat isa.
Ipinaliwanag din ng Gobernador na dulot ng mga nasirang kable, at nagtumbahang poste, hindi agad maibabalik ang supply ng kuryente sa buong lalawigan. Gayunpaman, tiniyak niya na patuloy ang masigasig na operasyon ng ORMECO upang maisaayos agad ang mga ito.
Nakatanggap ang mga residente ng tiglilimang kilo ng bigas na may kasamang mga de lata at kape.
Bukod dito, nagkaroon din ng pagpapalista para sa mga miyembro ng mga pamilyang nasalanta na mag-aaral sa kolehiyo na bibigyan ng Pamahalaang Panlalawigan ng financial assistance para sa kanilang pag-aaral.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga Lokal na Pamahalaan ng mga nasabing Barangay sapagkat malaking tulong para sa kanilang tanggapan ang inisyatibang ito bilang dagdag na tulong sa kanilang ipamamahagi rin para sa mga residente.
Ayon kay Mayor Jerwin Dimapilis ng Roxas, hindi niya inaasahan ang aktibidad na ito, kung kaya lubos ang kaniyang galak sa maagap na pagtugon ni Gov. Bonz para sa mga residente ng kanilang bayan.
Makikita naman sa mukha ng mga residente ang kasiyahan sa kanilang natanggap na relief packs, at bagama’t marami sa kanila ang lubhang napinsala ng bagyo, malinaw pa rin sa kanila ang pag-asa na muli silang makababangon sa tulong at pag-agapay ng gobyerno.
Source: https://www.facebook.com/100064587706800/posts/1212613237568255/
