18 August 2025 | News by PISD

Pinangunahan nina Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor at Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA Regional Director Gerald Pacanan, ang inspeksyon ngayong ika-18 ng Agosto sa isang flood control project sa Barangay San Isidro sa bayan ng Bongabong na nasira kamakailan dahil sa habagat.
Tinatayang nasa 380 meters ang kabuuang haba ng nasira sa proyekto. Isa ito sa siyam (9) na flood control projects sa lalawigan ng Oriental Mindoro na nasira nang dahil sa nagdaang habagat kahit wala pang isang taon nang ang mga ito ay maitayo.
Ayon kay RD Pacanan, umabot na sa humigit-kumulang Php. 39 Billion ang nailaang pondo ng kanilang ahensya sa pagpapagawa ng flood control project sa buong lalawigan simula taong 2023 hanggang 2025.
Samantala, ipinahayag ni Gob. Dolor na humiling na siya sa Commission on Audit (COA) para magsagawa ng special Audit upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkasira ng mga proyekto.
Dagdag pa ng Gobernador, sasailalim din sa masusing pag-aaral at pagsusuri ang mga ginamit na materyales at ang disensyo nito kung sumunod sa itinakdang pamantayan.
Itiniyak naman ni RD Pacanan kay Gob. Dolor na handa siyang makipagtulungan sa pagsasagawa ng masusi at seryosong imbestigasyon at iba pang kaukulang hakbang.
Ayon sa Gobernador, hindi siya titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga kontraktor o kung sinumang may kinalaman sa usapin kung mapapatunayang nagkulang o hindi sila sumunod sa itinakdang pamantayan. Aniya, ito ay hindi lamang laban ng mga Mindoreño, ito ay laban ng buong bansa na nagbabayad ng tamang buwis.
