15 August 2025 | News by PISD

Nakahanda nang magsimula sa pagtuturo ang Government Internship Program (GIP) Educators mula sa Una at Ikalawang Distrito matapos sumailalim sa Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP) Orientation simula noong ika-14 at ngayong ika-15 ng Agosto na ginanap sa Capitol in the South sa Bayan ng Roxas at Bulwagang Panlalawigan sa Lungsod ng Calapan.
Matapos maorganisa at makumpleto ang listahan ng mga kinakailangang GIP Educator, tinipon ang mga ito ng ZIIP Implementers sa pangunguna ni ZIIP Manager Meth Jimenez katuwang ang Dapartment of Labor and Employment (DOLE) upang ipaunawa sa kanila ang kanilang mahalagang papel na gagampanan sa pagtuturo sa mga katutubong kanilang matutukoy na magiging benepisyaryo ng ZIIP.
Umabot sa 104 na GIP Educators ang sumailalim sa oryentasyon. Sa naturang bilang, 51 dito ang mula sa Unang Distrito at 53 naman ang mula sa Ikalawang Distrito.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni ZIIP Manager Meth Jimenez ang kahalagahan ng naturang programa para sa mga katutubo. Aniya, ito ang magbibigay ng direksyon para sa kaunlaran ng komunidad ng mga katutubo. Aniya pa, maiaangat din nito ang kakayahan at kaalaman ng mga katutubo upang hindi maloko o mapagsamantalahan.
Samantala, kaalinsabay nito, lumadga na rin sa kontrata ang mga GIP Educators sa DOLE na magiging epektibo simula sa ika-18 ng Agosto.
Ipinamahagi na rin ang mga module at iba pang gamit sa pagtuturo ng mga GIP Educator na pinangunahan ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) na pinamumunuan ni PPES Officer Antonio Magnaye Jr.
Bukod sa iba pang ahensya at pribadong grupo na katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsusulong ng ZIIP, matatandaan na ang DOLE ang isa sa mga naging matibay na katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan simula pa lamang noong unang pag-arangkada ng ZIIP taong 2023.
Nananatili namang masigasig ang mga nasa likod ng proyektong ito na patuloy na gumagawa ng paraan upang tuluy-tuloy na maipatupad para sa ikauunlad ng intelektwal na kapasidad ng mga katutubo.
