16 August 2025 | News by PISD

Personal na ininspeksyon ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ngayong ika-16 ng Agosto ang proyekto kontra baha na ipinagagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Naujan na kaagad nasira dahil sa nagdaang habagat at sunud-sunod na mga bagyo.
Naunang binisita ni Gobernador Dolor kasama sina Provincial Engineer Edylou Tejido, Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II at iba pang opisyal at mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, ang flood control project ng DPWH sa Barangay Mulawin, Naujan. Dito, kitang-kita ang malaking bahagi ng proyekto na nasira. Tumambad din ang mga bitak-bitak na semento, sub-standard na bakal at iba pang materyales na ginamit.
Nagpatuloy naman ang pagbisita at pag-iinspeksyon sa isa pang Flood Control Project ng DPWH sa Barangay Tagumpay sa bayan pa rin ng Naujan. Bukod naman sa manipis ang semento, kapansin-pansin din ang kawalan o kakulangan ng sapat na bakal sa proyekto na naging dahilan ng pagkawasak ng ilang bahagi nito.
Hindi naitago ni Gobernador Dolor ang kanyang pagkadismaya sa kanyang mga nakita at natuklasan. Aniya, sa halip na magamit ito sa mahabang panahon bilang pananggalang sa mga malakihang pagbaha tuwing may kalamidad, nasira kaagad ito ng wala pang isang taon.
Nanawagan naman si Gobernador kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipatigil ang pagpapagawa ng mga flood control project kung ang mga gagawa rin lang din nito ay ang mga kasalukuyang kontratista. Aniya pa, kailangan din na sumangguni muna sa Lokal na Pamahalaan at sa mismong barangay bago isagawa ang mga proyektong ito upang maayos na maplano at maisiguro ang maayos na pagpapatupad nito.
Itiniyak naman ni Gob. Dolor na hindi niya ito papalampasin at kailangang managot sa batas ang mga kontraktor at iba pang may kinalaman at may kapabayaan sa pagpapatupad ng proyekto ng pamahalaan. Aniya, ang pondong ginamit dito ay mula sa ibinayad na buwis ng mga mamamayan.
