Search for Ulirang Nakakatatanda 2025, sinimulan na

14 August 2025 | News by PISD

Sinimulan na ngayong araw ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at mga katuwang na ahensya na myembro ng validator’s team, ang masusing paghimay at pagrebisa sa mga dokumento ng mga indibidwal at grupong nominado para sa Search for Ulirang Nakakatatanda 2025. Ang patimpalak ay nasa ika-14 taon na ng implementasyon.

Ang Ulirang Nakakatatanda ay isang taunang programa na nagbibigay ng pagkilala sa mga pangunahing mamamayan na nagpamalas ng natatanging ambag sa kanilang komunidad sa kabila ng kanilang edad.

Layunin ng programa na itampok ang mga huwarang nakatatanda na patuloy na naglilingkod, nagbibigay-inspirasyon, at nagsisilbing ehemplo ng malasakit, integridad, at aktibong pakikilahok sa lipunan.

Pinangungunahan ng PSWDO at Office of Senior Citizens Affairs ang unang bahagi ng proseso kung saan iniipon at sinusuri ang mga nominasyon at kaukulang dokumento ng mga aplikante katuwang ang validation team mula sa iba’t-ibang konsernadong ahensya ng pamahalaan. Bahagi naman ang kanilang pagsasagawa ng aktwal na ebalwasyon at beripikasyon ng mga impormasyon upang tiyaking kwalipikado ang bawat kalahok batay sa itinakdang pamantayan sa kanilang mga komunidad.

Kabilang sa mga kriteriyang isinasaalang-alang sa pagpili ay ang lawak ng serbisyo ng indibidwal sa komunidad, aktibong partisipasyon sa mga gawaing sibiko at relihiyoso, kabutihang asal, at taglay na respeto at paghanga mula sa kanilang kapwa mamamayan.

Sa administrasyon ni Governor Bonz Dolor, binibigyan ng mataas na pagpapahalaga upang kilalanin at parangalan ang mga nakatatanda hindi lamang bilang mga tagapangalaga ng kasaysayan at kultura, kundi bilang mga aktibong kasangkot sa kasalukuyang mga gawain tungo sa ikabubuti ng komunidad.

Ang pagkilala sa mga Ulirang Nakakatatanda ay isasagawa sa isang pormal na seremonya na taun-taong ginagawa ng PGOM partikular sa panahon ng selebrasyon ng Elderly Filipino Week.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0o4tjmmgWZ7gB3MANLzWZ4ZQuPFVRn1ShE5cG8XAafsq7aYX2iE6BQ3GkvuAoSN2nl?rdid=np9WEwpHSBC8lCWW#