14 August 2025 | News by PISD

Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan(SP) ang Supplemental Budget (SB) No. 6 ng Pamahalaang Panlalawigan na naglalaman ng karagdagang pondo para sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at serbisyong Panlalawigan gabi ng Agosto 13 sa isinagawang special session ng SP sa Lungsod ng Calapan.
Ito ay bilang tugon sa kahilingan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor na nagpadala ng Certificate of Urgency sa SP upang agarang talakayin at maaprubahan ang SB No. 6 para sa tuluy-tuloy na operasyon ng Pamahalaang Panlalawigan. Pinangunahan ni Bise-Gobernador at tagapangulo ng SP, Antonio S. Perez kasama si SP First District Board Member Carlos Voltaire “Bong” Brucal ang masusing pagsusuri sa mga paglalaanan ng pondo katuwang ang mga hepe ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan na tumugon at nagbigay-linaw sa mga katanungan ng mga myembro ng SP.
Kabilang sa pondong nakapaloob sa SB No. 6 ang pambayad sa kuryente ng Pamahalaang Panlalawigan, pondo ng Governor’s Social and Medical Assistance Center (GSMAC) para sa tulong medikal, tulong pinansyal sa mga mamamayan, suplay ng pagkain sa mga pampublikong ospital, karagdagang pondo para sa selebrasyon ng ika-75 anibersaryo ng Pamahalaang Panlalawigan, pagpapagawa ng mga proyektong pambarangay, karagdagan sa sweldo, overtime, at night pay ng mga kawani ng Kapitolyo at iba pang mahahalagang proyekto.
Samantala, kumpletong dumalo sa sesyon ang mga Board Member mula sa Una at Ikalawang Distrito kabilang sina Board Member Alexandra “Aleli” Casubuan-Tan, Board Member Anthony Yap, Board Member Emmanuel S. Buenaventura, Board Member Jean Paulo Umali, Board Member Ryan Arago gayundin ang mga ex-officio member na sina Sangguniang Kabataan Federation President Jhane Andhraei Mhey Dolor, ABC President Ralph Jonnel Recto, IP representative Lagtum Pasag at Provincial Councilors’ League of Oriental Mindoro President Marion Francis Marcos. Sa pamamagitan ng Zoom, nakibahagi rin sa pagdinig sina Board Member Farrah Fay C. Ilano-Navarro, Board Member Jomarc Philip Dimapilis, Board Member Ronalee E. Leachon at Board Member Atty. Roland H. Ruga.
Sa huli, matapos ang may dalawang oras na deliberasyon, naipasa rin ang SB No. 6 na magbibigay-daan upang maitiyak ang epektibong pagsasakatuparan ng mga proyekto at programa ng Pamahalaang Panlalawigan lalo na sa mga sektor na nangangailangan ng agarang aksyon tulad ng kalusugan at serbisyong panlipunan.
