Ipinakilala ang Transformative Actions for Climate and Ecological Protection and Development o Project TRANSCEND

11 August 2025 | News by PG-ENRO

Pinaunlakan ng Provincial Government of Oriental Mindoro ngayong araw, sa pangunguna ni Executive Assistant EnP Jose Maria S. Dalupan, ang Conservation International (CI) at UN Habitat upang ipakilala ang Transformative Actions for Climate and Ecological Protection and Development o Project TRANSCEND. Ang proyektong ito ay naglalayong suportahan ang bansa sa adhikain na maging isang climate-resilient, low-carbon, at biodiversity-friendly na lipunan.

Isa ang Oriental Mindoro sa mga pilot sites kung saan ilulunsad ang proyekto, kasama ang probinsya ng Iloilo at Misamis Oriental. Ito ay isasagawa sa pamamagitan ng sunod-sunod at masusing pagpaplano, at pagpili ng komunidad na magpapatupad ng naaayon na proyekto.

Sa kanyang opening remarks, iminungkahi ni EA Dalupan na ang Provincial Government ay buo ang pagsuporta sa paglulunsad sa proyektong ito na makakatulong sa mga adhikain ng lalawigan at pati na rin ng bansa upang labanan ang climate change.

Kasama sa napag-usapan sa pagpupulong ang pag-issue ng Provincial Governor ng isang Executive Order na magtatalaga ng isang Technical Working Group para sa nasabing proyekto. Ito ay papangunahan ng PPDO, kasama ang PG-ENRO, PDRRMO, PAgO, PSWDO, PEO, at PAssO.

Ang CI at UN Habitat ay dalawa lamang sa ilang miyembro ng Project TRANSCEND Consortium, na pinangungunahan ng Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit or GIZ, isang German development agency. (Ulat ni: Mary Frances Rae Ramiento)

source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0dvErRJWJ5z9VDfxTo2pHQsCckQrW16SeibtbD3gV2GVib9UDnoavTMRv3BYs4hGkl?rdid=lLpara77JL8ZzCCG#