11 August 2025 | News by PISD

Nasa siyam na ulo ng buhay na baboy at mahigit sa 50 kilo ng mga produktong longganisa at tocino mula sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro ang magkasunod na nasabat at kinumpiska ng Provincial Veterinary Quarantine Services sa Barangay Milagrosa, Bulalacao noong Agosto 9 at 10.
Ayon kay OIC-Provincial Veterinarian Dr. Alfredo Manglicmot, ang naturang mga baboy at produkto ay nakatakdang ipasok sa Oriental Mindoro na walang kaukulang dokumento. Ito, aniya, ay paglabag sa Provincial Ordinance No. 118 series of 2020: Veterinary Quarantine Ordinance of Oriental Mindoro, Department of Agriculture (DA) Administrative Order No. 05 series of 2019: “Guidelines on the Local Transport/Shipment of Animals, Animal Products and By-Productsâ€, at iba pang issuances na ipinatutupad sa lalawigan.
Aniya pa, ang Pamahalaang Panlalawigan ay patuloy na gumagawa ng mga programa upang muling pasiglahin ang lokal na industriya ng pagbababuyan sa lalawigan na lubhang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF). Isa rito, aniya, ang pansamantalang pagpayag sa limitadong pagpasok ng mga breeder pigs at processed semen sa lalawigan, batay sa Executive Order (EO) No. 22, series of 2025.
Hinikayat din niya ang bawat isa na aktibong makipagtulungan sa mga ipinatutupad na mga ordinansa at issuances upang mapigilan ang paglaganap ng ASF.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan sa LGU Bulalacao, ang mga nakumpiskang baboy at mga produkto ay ibinaon na upang maiwasan ang kontaminasyon alinsunod sa proper disposal method ng DA Administrative Order No. 05 series of 2019. Inihahanda na rin, ani Dr. Manglicmot, ang mga kasong isasampa laban sa mga responsable sa naturang paglabag.
