28 July 2025 | News by PISD

BASAHIN: Habang tahimik ang kapaligiran at natutulog na ang karamihan, may isang pasyente sa bayan ng Victoria ang hindi mapakali dahil sa hirap na nararamdaman. Ala-una ng madaling araw, habang ang ulan ay walang tigil na bumubuhos at tila anumang oras ay ang pangambang sakupin ang mga mababang lugar sa pamamagitan ng bumubulwak na tubig baha. Tila walang kasiguruhan ang bawat minuto at oras para sa isang taong kailangan ng atensyong medikal. Ngunit bago ito, pasado alas- siete ng gabi, isang mensahe ang dumating sa messenger ng Provincial Information Office facebook page.
Hindi ito reklamo, hindi rin hinaing. Isa lang itong panawagan, mahina ngunit marubdob. Isang nagmamahal na asawang OFW na walang magawang paraan kundi umasa sa magiging sagot ng PIO, pagbabaka-sakaling maaksyunan ang kanyang hinaing para sa kanyang mahal na asawang maysakit na narito sa Pilipinas.
Si Jhonilyn De Lara, 34, mula sa Bagong Silang, Victoria, ay isang pasyenteng regular na sumasailalim sa dialysis. Ngunit dahil sa malalakas na pag-ulan at pagtaas ng tubig sa ilang daanan partikular sa Nautical Highway, hindi siya nakarating sa kanyang nakatakdang gamutan. At habang ang oras ay lumilipas, mas lumalaki ang panganib sa kanyang kalusugan.
Ngunit sa panahong ang daan ay lubog sa tubig sa walang-humpay na pag-ulan, at ang paligid ay tila walang katiyakan, may mga tao at sistema pa ring laging gising, handang tumulong at handang tumugon sa tawag ng tungkulin.
Ang mensaheng iyon ay sinikap na kaagad maaksyunan ng PIO. Agad na idinulog kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer Vinscent Gahol. Bilang kagyat na tugon, inatasan ni PDRRM Officer Gahol ang kanyang Operations Division team na asikasuhin ang nangangailangan.
Pasado alas dos y media ( 2:42am) ng madaling araw ng Hulyo 25, binagtas ng malaking truck ng Provincial Engineering Office ang malalaking baha simula sa may bahagi ng Adrialuna Naujan gayundin, sa mas malalim na bahagi ng tubig baha sa may barangay Bucayao at doon ay maingat siyang isinakay sa ambulansya ng PDRRMO na siyang sumundo kay Jhonilyn. Dinala siya sa Maria Estrella General Hospital sa Calapan City- ligtas, maagap, at higit sa lahat, may pag-aaruga.
Hindi ito malaking balita. Ngunit sa puso ng serbisyong pampubliko, ito ang mga kwentong nagpapatunay na kahit sa gitna ng unos, may mga kamay na patuloy na umaabot, may mga paang handang bumagtas sa baha, may sistemang gumagalaw para sa mga nangangailangan.
Ang ganitong uri ng pagtugon ay hindi nakukuha sa simpleng mandato. Ito ay bunga ng isang paninindigan na ang serbisyo publiko ay hindi natutulog, at ang malasakit ay hindi mapipigil ng lakas ng ulan o lalim ng baha.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, sa pamamagitan ng magkakaugnay na tanggapan, ay nananatiling gising para sa bawat Oriental Mindoreño. Tahimik, pero palaging handa. Simple, pero totoo.
Sa bawat unos, may malasakit.
Sa bawat tawag, may tugon.
At higit sa lahat sa bawat buhay na ating naaagapayan may dahilan para magpatuloy.
